Community pantries sa ECQ , ‘wag muna - MMDA

Ikinababahala ni MMDA Chairman Benhur Abalos na sa halip na makatulong ay makadagdag pa ang mga community pantries sa paglaganap ng mga bagong kaso ng COVID-19 lalo na at tumataas na ang bilang ng dinadapuan ng Delta variant.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Nais ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na itigil muna ng mga organizers ang itinatayong community pantries habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6-20.

Ikinababahala ni MMDA Chairman Benhur Abalos na sa halip na makatulong ay makadagdag pa ang mga community pantries sa paglaganap ng mga bagong kaso ng COVID-19 lalo na at tumataas na ang bilang ng dinadapuan ng Delta variant.

“Ang problema kasi sa pantry, kung pipila ka, baka maging super spreader event. Siguro i-coordinate na lamang para bahay-bahay na lang po ito,” saad ni Abalos .

Ipinaliwanag ni Abalos na ang layunin ng ECQ ay huwag palabasin ang tao sa kanilang mga bahay.  Sa community pantry, maaaring magsilabasan ang mga tao at magkaroon ng kaguluhan.

Ipinayo ni Abalos sa mga organizer na gumawa ng mas maayos na sistema tulad ng paghahatid ng pagkain sa mga bahay sa mga mahihirap na komunidad.

Iginiit niya na kailangan talaga na mapanatili sa loob ng bahay ang publiko upang hindi na kumalat ang Delta variant at hindi na mapahaba pa ang implementasyon ng ECQ.

Show comments