MANILA, Philippines — Hindi muna magsasagawa ng misa ang mga simbahan sa Metro Manila kasunod ng deklarasyon ng pamahalaan ng ‘enhanced community quarantine (ECQ)’ sa Metro Manila bilang pag-iingat sa pagkalat ng mas mapanganib na Delta variant ng COVID-19.
Sinimulan ng Simbahang Katolika ang pagpapatigil sa physical masses sa Metro Manila kahapon habang nasa “general community quarantine with heightened restriction” ang National Capital Region. Mula Agosto 6-20 naman ay isasailalim na ito sa ECQ.
Ayon kay Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula, tatlong linggo nilang ititigil ang pagdaraos ng physical masses sa mga simbahan sa Metro Manila.
Hindi lamang naman ang mga banal na misa ang apektado ng community quarantines, kundi maging ang mga nakatakdang binyag at kasal, na ipinapa-reschedule rin ng simbahan.
Habang hindi pa nakakadalo sa misa sa mga simbahan, hinikayat ni Advincula ang mga Katoliko na sa pamamagitan ng “online masses” na lamang muna dumalo ng banal na misa habang nasa loob at ligtas sa kanilang mga tahanan.