Hepe ng QCPD Station-3, sinibak
Sa pagdeploy ng mga pulis sa SONA habang pending pa ang results sa COVID-19 test
MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ni Philippine National Police (PNP) chief General Guillermo Eleazar ang station commander ng Quezon City Police District (QCPD) Station-3 dahil pagde-deploy ng mga pulis sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes habang pending pa ang resulta sa isinagawa COVID test sa mga ito.
Ayon kay Eleazar, ang pagsibak kay Station 3 commander Lieutenant Colonel Cristine Tabdi ay dahil sa command responsibility.
Paliwanag ni Eleazar, mistulang nagkaroon ng breach of protocol nang i-deploy sa SONA ang mga pulis mula sa naturang istasyon na naghihintay pa ng resulta ng kanilang swab test at kinalaunan nga ay nagpositibo.
Tinatayang nasa 82 mula sa 161 pulis ng istasyon ang nagpositibo sa COVID-19.
Nilinaw naman ni Eleazar na wala pang katiyakan kung Delta variant ng COVID-19 ang tumama sa mga nagpositibong pulis at nanawagan na iwasan ang espekulasyon.
Tiniyak naman ni Eleazar na nagsasagawa na ng agresibong contact tracing at testing ang PNP sa lahat ng mga nakasalamuha ng 82 pulis mula sa ilang istasyon ng QCPD na nagpositibo.
Nilinaw naman ni QCPD director Police Brigadier General Antonio Yarra na 51 dito ang ipinakalat sa SONA.
Samantala, itinuturing ng Department of Health (DOH) na ‘breach of protocol’ ang pagtatalaga ng mga pulis sa nakalipas na SONA na hindi pa nailalabas ang resulta ng COVID-19 tests.
“Yes, we will say that there was this breach because we have guidelines for that at alam po natin that they should not have been deployed kung hindi pa po natin alam ‘yung mga resulta,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ito ay makaraan ang ulat ng QCPD na 82 pulis nila ang nagpositibo sa COVID-19 at 51 sa kanila ay naitalaga para magpanatili ng katiwasayan sa SONA noong Lunes. Nilinaw naman nila na ‘fully-vaccinated’ ang mga pulis.
Sinabi pa ni Vergeire na ang mga naturang COVID-19 positive na mga pulis ay maaaring maging super spreaders ng virus ngunit hindi pa ito masasabi sa ngayon dahil wala pang resulta ng isinasagawang contact tracing.
- Latest