Parak na nangikil sa aplikante, arestado ng PNP-IMEG
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang pulis matapos arestuhin ng mga tauhan ng PNP-Integrity Monitoring Enforcement Group (IMEG) sa isinagawang entrapment operation sa tapat mismo ng Camp Crame sa Quezon City.
Kinilala ni PNP-IMEG-Director Brig. Gen. Flynn Dongbo ang suspek na si P/Master Sgt.Edmund Olavanio.
Agad na dinakma ng mga pulis si Olavanio sa aktong tinatanggap ang marked money mula sa complainant sa may Boni Serrano Avenue, Brgy. Bagong Lipunan, Quezon City .
Base sa mga reklamong natanggap, ginagamit ni Olavanio ang kanyang pwesto sa Crime Laboratory Group para makapangikil.
Nanghihingi umano ito ng P6,000 para sa mga aplikante sa pagkapulis na gustong mapasama sa final list ng mga bagong pulis na manunumpa sa July 30, 2021.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng IMEG ang pulis at nahaharap sa kasong kriminal at administratibo.
Sinabi naman ni Dongbo na inaalam na nila kung sino ang mga kasabwat ng suspek nang sa gayon ay masibak silang lahat sa PNP.
- Latest