Water tank bumagsak: 2 senior sugatan, 5 bahay nasira; 10 sasakyan inanod dahil sa malakas na buhos ng ulan

Personal namang ininspeksyon ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca “ Malapitan nitong Sabado ng umaga ang sitwasyon at nilikhang pinsala sa lugar.
Mayor Oscar Malapitan, Facebook

MANILA, Philippines — Dalawang senior citizens ang nasugatan, habang limang bahay ang nawasak at 10 sasakyan naman ang inanod makaraang aksidenteng bumagsak ang isang water tank sa isang subdibisyon sa Caloocan City sanhi ng malalakas na pag-ulan na dulot ng habagat nitong Sabado ng madaling araw.

Ang dalawang matanda ay nagtamo ng mga galos at sugat sanhi ng insidente na isinugod na sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Sa ulat ng Caloocan City Disaster Risk Reduction and Management Center, bandang alas-4:15 ng madaling araw nang bumagsak ang malaking water tank sa loob ng Palmera Springs Subdivision, Phase 1 sa Brgy. 175, Camarin ng lungsod .

Nasa limang bahay naman ang nasira sa umagos na tubig mula sa water tank habang nasa sampung sasakyan din ang inanod sa nasabing lugar.

Isinalaysay naman ni Arnold Ongchango ang kaniyang pagkakaligtas matapos na tangayin ng rumagasang  tubig mula sa bumagsak na water tank kung saan  nagtamo rin ng pinsala ang kaniyang motorsiklo sa insidente.

Personal namang  ininspeksyon ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca “ Malapitan nitong Sabado ng umaga ang sitwasyon at nilikhang pinsala  sa lugar.

Dahil dito, nagpadala ang punong lungsod ng dalawang water tanks para masuplayan ng tubig ang mga apektadong residente at ipinag-utos din ang agarang paglilinis sa mga debris.

Samantalang nangako naman kay Mayor Oca ang Prime Water na siyang nagpapatakbo ng bumagsak na water tank na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng dalawang nasugatang matanda, pagpapaayos ng mga nasirang bahay at mga sasakyan sa lugar.

Show comments