MANILA, Philippines — Nalubog sa baha ang ilang lugar sa Metro Manila dahil sa walang humpay at malakas na pag-ulan kahapon.
Sa Maynila, umabot ng hanggang tuhod ang pagbaha dulot ng walang tigil na pag-ulan.
Sa ulat ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kay Manila Mayor Isko Moreno, dakong alas-12:40 ng hapon umabot ng hanggang ‘gutter’ ang baha sa mga kalsada ng Avenida-Recto na nagdulot ng mabigat na trapiko.
Hanggang tuhod naman ang baha sa United Nations Avenue-Taft Avenue at Taft sa harap ng National Museum kaya naging mabagal ang usad ng mga sasakyan habang hindi nadaanan ng mga maliliit na behikulo.
Hanggang gutter rin ang tubig-baha sa mga kalsada ng Sta. Cruz-Quezon Blvd., Pedro Gil st., Penafrancia st., Quezon Blvd.-Adriatico St., at Kalaw-Maria Orosa street.
Ang iba pang nalubog sa gutter deep na baha ay ang P.Burgos South Blvd., PGH-Taft. Roxas Blvd-Quirino Service Road, Rizal Ave-Recto, Roxas Blvd-Pedro Gil, Bonifacio Drive-25th st.,Roxas Blvd-Kalaw, A. Bonifacio-Sgt. Rivera, Aurora -Araneta, E. Rodriguez-Araneta at LRT Recto na tumukod ang trapiko.
Bukod sa Maynila, marami ring lugar sa iba pang lungsod sa Metro Manila ang nakaranas din kahapon nang pagbaha.
Marami ring tanggapan ng gobyerno ang nagpauwi ng maaga sa kanilang mga empleyado dahil sa masamang panahon.