MANILA, Philippines — Itinumba ng riding-in-tandem ang isang lalaki sa gitna ng isang mataong kalsada sa Ermita, Maynila noong Lunes ng hapon.
Nakilala ang nasawi na si Markey Mahad Alih, 36, stay-in caretaker sa Plaza Tower sa may Guerrero Street, Ermita.
Sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-3:40 nitong Lunes ng hapon nang pagbabarilin si Alih sa may Guerrero Street malapit sa kanto ng Arquiza Street sa Ermita.
Bumibili ng bottled water ang biktima sa isang water station nang dumating ang isang NMax type na motorsiklo. Bumaba ang angkas nito at walang sabi-sabing binaril ang biktima sa ulo.
Agad na tumakas ang dalawang salarin makaraan ang pamamaril sa hindi mabatid na direksyon. Inilarawan sila na parehong nakasuot ng itim na jacket, at helmet kaya hindi na sila namukhaan ng mga saksi.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang motibo sa pamamaslang at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.