Granada sa kariton natagpuan sa Port Area
MANILA, Philippines — Isang granada ang natagpuan sa loob ng isang kariton na nakaparada sa tabi ng isang gusali sa Port Area, Maynila kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Manila Police District-Port Area Community Precinct, dakong alas-9:30 ng umaga nang madiskubre ng lalaking may-ari ng kariton ang granada.
Agad na humingi ng responde ang lalaki sa pulisya na mabilis na rumesponde saka mabilis na kinordon ang lugar. Rumesponde rin ang MPD-Explosive and Ordnance Division (EOD) nang makitang walang pin ang granada.
Tagumpay na nagsagawa ng RSP (render safe procedures) ang mga tauhan ng EOD sa lugar.
“Succesful conduct of RSP. Fuze assembly was remotely removed from the grenade body to avoid inadvertent explosion thru the use of disrupter cannon,” ayon sa MPD.
Natagpuan naman ang pin ng granada, may 11 talampakan ang layo sa kariton.
Ayon kay PCP Commander P/Capt Rey Bundalian, tinanggal na nila ang anggulo na pagbabanta ito sa isang kumpanya ng pahayagan kung saan nakahimpil malapit ang kariton at maaaring nais lamang talagang itapon na ng may-ari ang granada.
Tagumpay na na-detonate ang granada ng mga eksperto at nasa pangangalaga na ng EOD habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para mabatid kung sino ang nag-iwan ng granada.
- Latest