166 pulis pinarusahan ng Napolcom – Eleazar
MANILA, Philippines — Umaabot sa 166 pulis ang pinatawan ng parusa ng National Police Commission (Napolcom) na indikasyon na kumikilos ang internal cleansing program ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar suportado niya ang inilabas na resolusyon ng NAPOLCOM. Sa bilang na ito, 75 na mga pulis ang natanggal sa serbisyo, 48 ang pinatawan ng demotion at 43 iba pa ang sinuspinde.
Sinabi ni Eleazar na patunay din ito na hindi kukunsintihin ng PNP ang mga maling gawain ng kanilang mga miyembro.
Siniguro naman ni Eleazar na dumaan sa mabusising imbestigasyon ang mga kasong administratibong inihain laban sa mga police scalawag at nasunod din ang due process.
Dagdag ng PNP chief, makakaasa ang publiko na magpapatuloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwaling pulis at pagsibak sa serbisyo sa mga ito bilang bahagi ng kanyang commitment na linisin ang PNP.
Payo ni Eleazar sa mga pulis, sundin lamang ng matuwid ang kanilang tungkulin at umiwas sa anumang mga isyu at kontrobersiya.
- Latest