MANILA, Philippines — Nakatakdang magpulong ngayong araw ang mga alkalde sa Metro Manila para talakayin ang bagong patakaran ng pamahalaan sa pagpayag sa pagpapalabas sa mga batang 5-anyos pataas sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified general community quaratine (MGCQ).
Ayon kay Metropolitan Manila Development Auhtority (MMDA) chairman Benhur Abalos na ang mga local governmet units (LGUs) ay maaaring magdesisyon kung paano ipatutupad ang policy depende sa kani-kanilang mga lugar.
Samantala, binanggit din naman ni Cabinet Secretary at IATF co-chairperson Jarlo Nograles na may kapangyarihan din ang LGUs na itaas ang age requiement, kung hindi sila pabor sa requirement na itinakda na IATF na 5-anyos pataas.
Nauna nang inanunsyo ng Malacañang noong Biyernes ang pagpayag ng IATF na makalabas na ang 5-anyos pataas sa GCQ at MGCQ areas.
Gayunman, bawal pa rin sila sa mga malls. Kailangan din na matiyak na nasusunod ang ipinaiiral na health protocols.
Kinonsidera ng IATF sa pagpayag ang mental health ng mga bata na sa matagal na panahon ay nakulong sa loob ng kanilang mga bahay.