MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno na 100 porsyentong tagumpay ang pagpapatakbo ng bagong tayong Manila COVID-19 Field Hospital (MCFH) simula nang buksan ito noong Hunyo 25, 2021.
Binati at pinasalamatan ni Moreno ang direktor nitong si Dr. Arlene Dominguez pati na rin sa mga doktor, nurses at staff na nasa likod ng matagumpay na operasyon nito sa pangangalaga ng mga pasyenteng may COVID.
“Maraming salamat sa inyo, naitatawid natin at naililigtas natin ang ating mga kababayan sa naka-ambang panganib na maaring magdulot ng kamatayan ang impeksyon ng COVID kaya congratulations sa mga staff natin diyan. Sana magtuloy-tuloy lang ‘yan.. dasal-dasal lang,” sabi ni Moreno.
Nabatid na mula sa 344 COVID beds ng MCFH, 65 lamang nito ang okupado na katumbas ng 19 percent occupancy rate.
Ang quarantine facilities ay nagrehistro ng one percent occupancy rate kung saan 12 mula sa 870 kama ang okupado.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang bilang naman na naisailalim sa swab testing ay 130,747.
Muli ay inulit ng alkalde ang kanyang panawagan sa mga Manileño na ipagpatuloy ang pagiging responsable sa kanilang sarili para sa kanilang pamayanan, lungsod at bansa.