MANILA, Philippines — Hindi nakalusot maging si Manila City Mayor Isko Moreno sa mga prank food delivery modus makaraang limang magkakaibang food delivery riders ang maghatid ng pagkain sa Office of the Mayor sa loob ng Manila City Hall na inorder umano para sa alkalde.
Ayon sa Manila Public Information Office, nakaproseso ang limang pekeng order sa magkakaibang mobile delivery app gamit ang iba’t ibang international mobile number.
Nakasaad sa mga text messages na natatanggap mula sa number, nag-order ang isang ‘Isko Domagoso Moreno’ ng iba’t ibang pagkain mula sa magkakaibang restaurant.
“Pakidala po sa mayors office thank you pa assist nalang po kayo,” habilin pa ng umorder sa mga delivery rider.
Dahil sa awa sa mga delivery riders na nabiktima rin ng prankster, binayaran na lamang ni Moreno ang mga pagkaing idiniliber na aabot sa halagang P5,000 at ipinamahagi sa mga empleyado.
Ngunit iginiit ni Moreno na hindi dapat gawing biro ang sakripisyo ng mga food delivery riders na nais lamang kumita sa tamang paraan. Kailangan umano ng tulungan ngayon ng isa’t isa lalo na ang pare-parehong dumaranas ng hirap dahil sa pandemya.
“This goes to anyone who will attempt to harass our riders. Huwag po natin silang lokohin. May kanya-kanya silang pamilya na binubuhay. Wala silang masamang intensyon kundi kumita lang nang tapat,” dagdag ni Moreno.