Phivolcs kumambiyo sa usok sa Metro Manila, galing nga raw sa bulkang Taal
MANILA, Philippines — Bukod sa Metro Manila ay nakarating hanggang Central Luzon partikular na sa mga lalawigan ng Bataan, Zambales, Bulacan, Pampanga, Batangas, Laguna, Cavite hanggang Rizal ang ibinugang asupre o gas air pollutant mula sa bunganga ng Bulkang Taal sa Batangas.
Ito kahapon ang ginawang paglilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nang magsagawa ng pag-aaral gamit ang Ozone Mapping Instrument ng NASA at dito natukoy na nagbuga ng sulfur dioxide ang Taal Volcano sa loob ng nakalipas na dalawang araw.
Unang sinabi ng Phivolcs kamakalawa na hindi galing sa Bulkang Taal ang naranasang pagdilim ng kalangitan sa Metro Manila kundi mula sa polusyon mula sa usok ng sasakyan at pabrika ang smog o maruming hangin na napadpad sa Metro Manila hanggang noong Martes dahil sa kakulangan pa nila ng magagamit na ebidensya.
Pero nang gumamit na ng instrumento ang Phivolcs ay natukoy na asupre nga ang napadpad sa malaking bahagi ng Luzon kasama ang Metro Manila dala ng hangin mula sa Taal volcano nang magdilim ang naturang lugar.
Sa pagtaya ng Phivolcs, aabot sa 14,326 tonelada kada araw ang inilabas na asupre ng Taal Volcano. Sa nakalipas na magdamag ay nakapagtala ang Phivolcs ng anim na volcanic earthquake o pagyanig ng lupa sa palibot ng nasabing bulkan.
- Latest