MANILA, Philippines — Nagbabala si PNP chief Gen. Guillermo Eleazar sa lahat ng mga pulis na maparurusahan ang sinumang mapapatunayang may mistress o kabit.
Ayon kay Eleazar, ang pagkakaroon ng extra marital affairs ay paglabag sa kanilang code of ethical standards. Aniya, dapat na maging tapat ang bawat pulis sa kanilang asawa at pamilya.
“Kung may magrereklamo na original na asawa ay may pananagutan ang pulis at puwede pong matanggal sa serbisyo kung mapapatunayan,” ani Eleazar .
Sinabi ni Eleazar na marami siyang natatanggap na impormasyon ng kakulangan ng sinasahod ng mga pulis at ito ay dahil sa pagkakaroon ng ‘kabit’.
Giit ni Eleazar, ang pagiging tapat sa tungkulin ay pagiging tapat din sa asawa at pamilya.