Transpormasyon ng public schools sa Maynila, inihahanda
MANILA, Philippines — Sa loob ng anim na buwan ay maipatitikim ng lokal na pamahalaan sa mga mahihirap na mag-aaral sa Maynila ang transpormasyon ng mala-pribadong paaralan sa proyekto na lilikha ng trabaho sa mga Manilenyo.
Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno ang plano nila ni Vice Mayor Honey Lacuna na sa loob ng anim na buwan ay maaari nang pakinabangan ang proyekto.
Sa pamamagitan aniya, ng mga proyektong pampaaralan, pabahay at istruktura ay magagawan ng paraan upang malabanan ang epekto sa ekonomiya ng pandemya.
Aniya, nasa 12 milyon ang naiulat na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa pamamagitan ng mga proyektong nakalinya sa mga darating na buwan, sinabi ni Moreno na umaasa ang lungsod na makalilikha ng trabaho para sa 5,000 katao habang inaayos ang problema sa mga informal settlers, maliban pa sa nagawa na ng pamahalaan sa lungsod.
“We will show to the country and to the world that this is how a public school looks like… bagong itsura. Ako, produkto ng public school. I know how it feels bilang estudyante ng public education kaya babaguhin natin ang impresyon in terms of facilities and buildings,” sabi ni Moreno .
“Na-stimulate na ang economy, na-adress pa ang perennial problem on lack of classrooms,” dagdag ng alkalde kasabay ng anunsyo nito ng paglalagay ng mga theatre, canteen, audio-visual laboratory, library, at soccer field kung kakayanin.
Sinabi pa ni Moreno na pangarap niya makitang ini-enjoy ng mga estudyante sa pampublikong paaralan kung anumang ang ini-enjoy ng mga estudyante sa pribadong paaralan sa pamamagitan ng transpormasyon ng mga pampublikong paaralan na kapantay ang mga pribadong institusyon.
“Lahat ng meron sa private, ipatitikim natin sa mahihirap na nag-aaral sa public para pantay ang level. Naniniwala akong magagaling ang teachers sa public education system,” dagdag pa nito.
- Latest