MANILA, Philippines — Nagbabala si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano sa publiko na huwag tangkilikin ang mga fixers na nag-aalok ng tulong para makakuha ng mga kinakailangang dokumento sa Pamahalaang Lungsod na mga peke naman.
Ito ay makaraang makatanggap ng ulat sa pamamayagpag ng mga fixers na nambibiktima ng mga kliyente ng lokal na pamahalaan at target ang sinuman na nais mapadali ang kanilang proseso o iyong mga ayaw nang pumila at maghintay.
“Nakatanggap ako ng mga ulat buhat sa aming mga BPLO (Business Processing and Licensing Office) na nakadiskubre ng mga business at work documents na nakuha umano sa mga fixers at natagpuang pawang mga peke,” ayon kay Calixto-Rubiano.
Binalaan din ng alkalde ang mga indibiduwal na sangkot sa pamemeke at pambibiktima sa mga taga-Pasay na mananagot sa ilalim ng batas sa oras na kanilang madiskubre at madakip.
Pinayuhan din niya ang publiko na huwag makipagnegosasyon sa sinuman maliban sa kanilang mga opisyal na tauhan ng pamahalaang lungsod. Iginiit niya na hindi na mahirap ngayon ang proseso at mabilis na ring matatapos kaya hindi na kailangan pa ng fixers.
Ayon sa BPLO head Mitch Talavera-Pardo na isang negosyante ang humiling ng Certified True Copy ng kaniyang business permit nitong Hunyo 17. Nang berepikahin, nadiskubre na hindi pa siya nakakakuha nito at nalaman na peke pala ang hawak niyang dokumento.
Inamin ng negosyante na isang fixer ang nag-alok sa kaniya na kumuha ng business permit kapalit ng pera.