P1-B SSS, sickness benefit sa online application, inilabas ng SSS

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Social Security System (SSS) ang 186,444 sickness be­nefit reimbursement applications (SBRA) na isinumite ng 22,237 employers online sa pamamagitan ng My.SSS mula Hulyo 2020 hanggang Abril 2021 na nagkakahalaga ng mahigit P1.35 bilyon.

“Natutuwa kami na maraming employers nga­yon ang gumagamit sa My.SSS upang magpasa ng SBRAs --- mas madali at ligtas ang paraang ito sa pakikipagtransaksyon sa SSS at maaaring gawin kahit anong oras. Mas pinabilis ito kumpara sa dating paraan na kailangan pa nilang maghintay ng kopya ng aprubadong sickness notification (SN) bago ito personal na maipasa sa SSS branches,” ayon kay President and Chief Exe­cutive Officer Aurora C. Ignacio.

Noong Hulyo 1, 2020, sinimulan ang mandatory online submission ng SBRA—ipinatupad ito upang mabawasan ang proseso ng sickness reimbursement claims at tanggalin ang pagbibigay ng kopya ng dokumento mula sa mga tanggapan ng SSS patungo sa processing centers nito.

“Ang pag-automate ng mga proseso at pagbibigay ng online services sa mga miyembro at employers ay kabilang sa ExpreSSS digitalization campaign upang mas maging simple, mas mabilis, at mas madaling proseso ng transaksyon,” dagdag ni Ignacio.

Upang makapagpasa ng SBRA online, kinakaila-ngan na rehistrado ang employers sa My.SSS portal at mayroong aprubadong disbursement account sa ilalim ng Disbursement   Account Enrollment Module (DAEM).

Hindi na kailangan ng employers na magpasa ng hard copy ng SBRA at aprubadong SN kung sila ay magsusumite online, kinakailangan lamang nilang sertipikahan ang halaga ng paunang sickness benefit na naibigay   sa empleyado.

“Gayunman, ipinapaalala namin sa employers na ang mga adjustment at refiling ng sickness benefit claims ay kinakailangang dumaan sa drop box system sa mga tanggapan ng SSS dahil ang tinatanggap lamang online ay ang mga bago at inisyal na claim na may aprubadong sickness notifications. Pinapayuhan din ang employers at company representatives na mag-set ng appointment sa mga tanggapan ng SSS upang maiwasan ang pagpila,” pagtatapos ni Ignacio.

Maaaring makita ang kumpletong step-by-step procedure sa pamamagitan ng link na ito: https://bit.ly/3fz68gx.

Show comments