MANILA, Philippines — Binuksan na ang unang Muslim Cemetery sa Maynila upang bigyan ng pagkilala ang mga Muslim na kasamang nagtaguyod sa siyudad bilang kapitolyo ng Pilipinas.
Sinabi ni Manila City Mayor Isko Moreno na parte ito ng paggunita sa 450th Founding Anniversary ng Maynila. May sukat ang sementeryo ng 2,400 square-meters at magiging simbolo umano ng kontribusyon ng mga Muslim sa narating ng Maynila.
“Itong araw na ito, iniaalay ng kasalukuyang henerasyon sa mga ninuno naming Muslim dito sa lungsod. Ito’y simpleng tanda ng pag-alala kung sino talaga kami,” ayon kay Moreno.
Sinabi pa nito na matagal nang hindi nabibigyan ng atensyon ang mga Muslim sa kabila ng base sa kasaysayan ay matibay na ang presensya nila sa Maynila na tinawag pa ngang “lupain ng mga Rajah” bago pa man dumating ang mga Espanyol.
Itinayo ang sementeryo para maresolba ang problema ng mga Muslim kung saan dadalhin ang namayapang kaanak na kailangang agarang mailibing bago lumubog ang araw base sa kanilang tradisyon.