MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga residente na maging responsable sa pagtatapon ng basura para maiwasan ang posibleng pagbaha sa Kamaynilaan, matapos ideklara na ng PAGASA ang tag-ulan.
“Disiplina lang... ‘Wag tayong magtatapon ng basura sa maling lugar. Sa tamang lugar (lang), kung saan talaga sinasabi ng pamahalaan at sa tamang oras. Napaka-importante nu’n para pag-pick up, wala nang babara pa,” pahayag ni MMDA chairman Benhur Abalos.
Nakikipag-ugnayan na si Abalos sa mga lokal na pamahalaan para sa istriktong pagpapataw ng mga multa sa mga mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan.
Sabi ni Abalos, basura ang “number one cause” ng pagbaha sa Metro Manila dahil binabarahan nito ang mga drainage.
Kailangan din ang mahigpit na monitoring sa mga low-lying areas na madalas bahain tuwing malakas ang ulan gaya ng Araneta Avenue sa Quezon City, España sa Manila City, Buendia South Superhighway, Manila City Hall, at Maysilo sa Mandaluyong City.
Pumunta na ang MMDA sa mga pumping station ng flood control unit, kung saan tinitiyak na masasala nila ang mga humaharang sa daluyan ng tubig.
Nasa 8 pumping stations, kabilang na ang pinakamalaking Tripa de Gallina sa Pasay City, ang gumagana. Pero ang problema, ayon kay Abalos, kailangan nang ayusin ang naturang pumping station dahil-45 anyos na ito.
Sa oras na hindi masala ang mga basura, bibigay ang mga pumping station at maaaring bumaha ulit. Mahigit 6,000 cubic meters na basura ang nasabat sa major pumping stations sa Metro Manila noong nakaraang taon.