MANILA, Philippines — Nalagay sa peligro ang ilang residente at mga kabahayan matapos gumamit ng mga molotov bomb ang nag-riot na ang mga kabataan sa Caloocan at Malabon City.
Ayon kay Caloocan City Police chief Col. Samuel Mina, nakakaalarma ang riot ng grupo ng kabataan na walang habas sa paghahagis ng molotov bomb kamakalawa ng madaling araw sa A. Mabini St. sa Caloocan kaya agad siyang nagpakalat ng tauhan sa lugar na tambayan ng mga kabataan.
Nabatid kay Mina na mga taga-Caloocan at taga-Malabon ang nag-riot na nagdedepensahan ng mga teroritoryo.
Ani Mina, kilala na nila ang mga kabataang sangkot sa riot kaya ipatatawag kasama ang kanilang mga magulang.
Kailangan ma-neutralize ang mga kabataang dahil delikado ang mga ginagamit na molotov dahil maaaring magdulot ng sunog.
Ganito rin ang nangyari noong Martes ng madaling araw Brgy. Tugatog, Malabon City kung saan isang grupo din ng kabataan na may dalang pamalo at molotov cocktail ang nakuhanan ng video ng isang netizen.
Nadamay din ang kable ng kuryente nang masunog dahil sa ihinagis na molotov subalit agad din naman naapula.
Anim na kabataan ang naaresto, kung saan lima sa kanila ang 18-anyos, at isa ang 17-anyos.
Inilagay naman sa pangangalaga ng social welfare department ng Malabon ang menor de edad.