MANILA, Philippines — Mas palalakasin ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglilinis ng mga estero at iba pang daluyan ng tubig sa Kamaynilaan bilang paghahanda sa pagpasok ng tag-ulan.
Ipinaliwanag ni MMDA Chairman Benhur Abalos na bahagi ito ng inilunsad nilang programang “I love MM” para malabanan umano ang pagkasira ng Kamaynilaan. Nakapaloob sa programa ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig, clearing operations sa mga bangketa, mahigpit na pagpapatupad ng anti-litteing at anti-dengue.
Bilang pauna sa proyekto, inumpisahan na muli ng MMDA ang paglilinis ng Estero de Tripa de Galina sa Maynila habang nakasunod na ang iba pang mga pangunahing estero.
Nakikipag-ugnayan umano sila sa mga lokal na pamahalaan maging sa mga barangay para sa pakikipagtulungan sa paglilinis sa kani-kanilang mga lugar.
Pangungunahan ng Metro Parkways Clearing Group and Flood Control and Sewerage Management Office ang araw-araw umano na ‘declogging’ sa mga daluyan ng tubig, pagtatanggal sa mga ilegal na istruktura sa mga bangketa, pagtatanggal ng mga nakaharang na sanga ng puno at mga sala-salabat na kable para maiwasan ang mga aksidente.