LGUs na masasangkot sa bentahan ng vaccine slots, pananagutin

Kasabay nito, tiniyak ni Año na masusi na nilang iniimbestigahan si Kyle Bonifacio, na itinuturong sangkot umano sa bentahan ng COVID-19 jabs slots, upang makahanap ng mas marami pang lead sa naturang ilegal na aktibidad.
AFP/Christof Stache

MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang mga local government officials na masasangkot sa umano’y bentahan ng COVID-19 vaccine slots, na pananagutin sa batas.

Kasabay nito, tiniyak ni Año na masusi na nilang iniimbestigahan si Kyle Bonifacio, na itinuturong sangkot umano sa bentahan ng COVID-19 jabs slots, upang makahanap ng mas marami pang lead sa naturang ilegal na aktibidad.

“Ang importante mapigilan natin at warningan natin ang mga LGUs na may mga tao at empleyado na nag-iisip gawin ‘yan,” ani Año.

Binigyang-diin ni Año na hindi dapat na mag-unahan sa pagpapabakuna dahil wala aniyang palakasan dito at ang sinumang lalabag ay dapat na usigin.

“Dapat patas lahat, walang unahan, walang palakasan. Kapag may nahuli tayo on the act talagang i-prosecute natin yan,” aniya pa.

“Ang biruan nga diyan, dapat daw ang mga taong gumagawa niyan, hindi bakuna ang ibigay, lethal injection,” dagdag pa niya.

Matatandaang si Bonifacio ay una nang sumuko kina Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos at sa kanyang asawang si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos, matapos na masangkot ang kanyang pangalan sa katiwalian.

Ayon kay Bonifacio, wala siyang kinalaman sa insidente at lumutang umano siya upang linisin ang kanyang pangalan.

Show comments