MANILA, Philippines — Nagbabala si Malabon Mayor Lenlen Oreta sa mga ilegal na nagbebenta ng mga bakuna at vaccination slots sa Malabon.
Ayon sa kanyang video statement, pinaalalahanan niya ang mga Malabonian na libre ang mga bakuna at ang mga slot na binibigay ng City Government of Malabon.
“Ang bakuna ay libre. Kung mayroon mang naniningil o nagbebenta ng bakuna, agad itong ipaalam sa ating lokal na pamahalaan at mga barangay,” ayon kay Mayor Lenlen Oreta.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Malabon Councilor Enzo Oreta ang mga Malabonian na mas maging kritikal sa mga nag-aalok ng bakuna. Dagdag pa niya, “Huwag nang tangkilikin ang mga ganitong kalakalan dahil patuloy naman ang libreng pagbabakuna mula sa Pamahalaang Lungsod.”
Matatandaan na isa si Konsehal Oreta sa mga nagsusulong ng pagbabakuna sa lungsod.
Isinusulong naman ngayon ni Mayor Lenlen Oreta ang pagsasa-ordinansa nang pagbabawal sa mga ilegal na gawaing ito, kasama ang pagpapataw ng mga kaukulang parusa laban sa mga lalabag dito.