MANILA, Philippines (Updated 2:27 p.m.) — Umakyat sa 54 ang nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) matapos ang isang "pool party" sa Lungsod ng Quezon, pagkukumpirma ng kanilang lokal na pamahalaan.
Una nang ibinalita na umabot sa 51 ang COVID-19 positive mula sa nasabing pagtitipun-tipon, bagay na tumalon pa paitaas.
Related Stories
"Nagkaroon ng improvised pool party. Merong diskuhan, may sayawan, may inuman, may videoke. Kompleto po at walang nagsusuot ng masks," wika ni QC Mayor Joy Belmonte, Lunes, sa panayam ng TeleRadyo.
"Sa pagka-conduct... ng interviews sa taumbayan, saka pa lang nila nalaman na nagkaroon pala ng three-day fiesta celebration [sa Barangay Nagkaisang Nayon] from May 9 to May 11."
Itinuturing nang "superspreader" ng alkalde ang nasabing event.
Naglabas na tuloy ng show cause order laban sa kapitan ng barangay kaugnay ng insidente. Lumalabas din na galing pa mismo sa fire truck ng mga bumbero ang ginamit na tubig para punuin ang isang inflatable pool. Sa covered court naman nangyari ang inuman.
Umabot na sa 610 ang ini-swab sa naturang lugar ayon sa City Epidemiology and Disease Surveillance unit. Nasa 18 katao pa naman ang nag-aantay ng resulta habang 31 ang idiniretso na sa quarantine facility.
Inilagay na sa lockdown ng QC simula pa noong ika-14 ng Mayo ang Barangay Nagkaisang Nayon dahil sa nangyari.
Linggo lang nang sabihin ni Belmonte na pwedeng humarap sa kaso ang mga nag-organize at dumalo ng naturang gathering, bagama't pinapayagan na ang pagbubukas ng mga resort sa general community quarantine (GCQ) areas gaya ng QC.
"Lahat ng mga mapapatunayang lumabag sa ating guidelines at mga ordinansa lalo na ‘yung mga nagkukumpulan at nag-iinuman o nagka-karaoke ay iisyuhan ng ordinance violation receipt (OVR) at maaaring makasuhan sa ilalim ng RA 11332," ani Belmonte sa isang hiwalay na statement.
"Kailangan pa rin ng ibayong pag-iingat at paghihigpit dahil nananatili pa rin ang peligrong hatid ng COVID-19 sa paligid."
Ayon naman kay City Legal Officer Orlando Paolo Casimiro, iimbestigahan na nila para sa posibleng administrative neglect o mmiscondcuct ang mga lokal na opisyal na sangkot sa insidente.
Ineengganyo naman ngayon ni Belmonte ang publiko na kumuha ng mga litrato at video ang lahat sa tuwing may mangyayaring ganitong peligrosong bagay. Pwede rin daw i-report sa kanila ang mga reklamo sa pamamagitan ng pagtawag sa Hotline 122 para maproteksyunan ang kalusugan at kaligtasan ng lungsod.
'Alam namin excited kayo, pero iwasan muna'
Lubha namang ikinalulungkot ng Department of Health (DOH) ang nasabing insidente, lalo na't hindi pa nakawawala ang Pilipinas mula sa perwisyo ng COVID-19 pandemic. Ito'y kahit na bumababa na ang mga naitatalang kaso ngayon sa Metro Manila.
"[A]lam naman po naming sabik na sabik na kayo, sabik na sabik na tayong lahat na magkaroon ng mga ganitong pagkakasiyahan. Pero sa tingin ko po, at sana po ay mapakinggan ang Kagawaran ng Kalusugan, na sana po ay patuloy pa rin po ang ating pag-iingat," ani Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
"Huwag muna po tayong gumawa ng mga ganitong activities. Let's be vigilant and remain to be in your own family bubble. Huwag muna ho tayo magkaroon ng ganitong pagkakasiyahan dahil nandiyan pa rin ho 'yung virus, at 'yung probabilidad na magkakahawa-hawa tayo ay nandiyan pa rin."
Mahigpit naman daw nakikipag-ugnayan sina Vergeire sa Quezon City para mas maipatupad ang mga pamantayan ng healthcare protocols.
Matatandaang inilagay lang sa 14-day quarantine ang mga lumangoy sa Gubat sa Ciudad Resort sa Lungsod ng Caloocan, kahit na bawal pa ang operasyon ng resorts sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) na epektibo noon sa Metro Manila.
Sa huling balita ng Department of Health kahapon, umabot na sa 1.17 milyon ang tinatamaan ng COVID-19 sa Pilipinas. 19,951 sa kanila ang patay na sa ngayon. — James Relativo