MANILA, Philippines — Ipinag-utos kahapon ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang pagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa naganap na pagdiriwang ng kapistahan sa Baclaran noong nakalipas na Lunes.
“We will check and see if there was a shortcoming among barangay officials in Baclaran, as well as law enforcers assigned in the area.”
Ito’y matapos na makunan ng video na ilang kabataan sumali sa palaro ang hindi mga nakasuot ng face masks.
Ang parallel investigation sa insidente ay iniutos niya upang matukoy ang mga sangkot sa mass gathering sa piyesta ng Sta. Rita De Casia.
Batay sa video, ang mga menor-de-edad ay makikitang magkakadikit na ang mga mukha habang ang mga nanonood sa palaro ay hindi nakasuot ng face masks at walang social distancing.
Una nang iniutos nitong Martes ni PNP chief, P/Gen. Guillermo Eleazar sa Southern Police District na imbestigahan ang idinaos na piyesta sa Baclaran kung saan nagkaroon ng paglabag sa health protocols.
“I am giving you instructions to conduct an investigation immediately regarding this and do the appropriate action,” ani Eleazar.
Sinabi ni Olivarez na nakapag-isyu naman ng direktiba kay Association of Barangay Captain president Chris Aguilar na ipatupad ang mga hakbang laban sa mss gatherings sa mga kapistahan.
Masasampahan ng kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code for disobedience to person in authority in relation to Executive Order 35, at sa city ordinances and executive orders ng lungsod ang mga matutukoy sa nasabing paglabag.
Sa panig naman ni Brgy. Chairman Jun Zaide na nakakasakop sa Baclaran, wala silang natanggap na ulat hinggil sa nakunan ng video at nag-ikot naman aniya, sa mga lugar silang mga opisyal ng barangay at nagpaalala na walang gagawing pagtitipun-tipon at mga aktibidad para sa kapistahan.