Bahagi ng Mindanao Avenue sa Quezon City, isinara dahil sa bumagsak na mga poste ng kuryente
MANILA, Philippines — Isang bahagi ng northbound lane ng Mindanao Avenue sa Quezon City ang pansamantalang isinara sa daloy ng trapiko kahapon ng madaling araw matapos na bumagsak ang mga poste ng kuryente.
Batay sa ulat, pasado alas-2:00 ng madaling araw nang bumagsak ang dalawang poste ng kuryente nang mahagip at makaladkad ng isang dumaraang truck ang mga nakalaylay na mga kawad ng mga ito.
Ayon sa saksi, na si Ramon Almonte, security guard, nakita na lamang niya na may sumiklab mula sa isa sa mga poste at bumagsak na ang mga ito, habang isang truck naman na bumibiyahe patungong southward direction ang tumatakas papalayo sa lugar.
May nadamay ring mga puno na naputol dahil sa insidente.
Hindi naman umano nila nakuha ang plaka ng truck dahil sa bukod sa madilim pa ay hindi naman ito huminto at tuluy-tuloy lang na tumakas papalayo.
Habang hindi pa naman naiaalis ang mga nakahambalang na mga poste at mga naglaylayang kable sa lugar, ay pinayagan muna ng mga traffic enforcers ang mga dumaraang behikulo na mag-counterflow sa kabilang lane.
Sa kabila naman nito ay bumigat pa rin ang daloy ng trapiko sa lugar.
Pasado alas-5:00 na ng madaling araw nang tuluyang maialis ang mga poste at mga nakakalat na kable sa kalsada at unti-unting naibalik sa normal ang daloy ng mga sasakyan doon.
- Latest