MANILA, Philippines — Ipinaaaral na ng Philippine National Police (PNP) ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso sa mas maraming tao sa kontrobersiyal na boxing event sa Maynila — kahit sa mga manunuod at lumahok.
Ito ang inilahad ni PNP chief Police Gen. Guillermo Eleazar sa isang pahayag na inilabas ngayong araw, lalo na't nangyari ito sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic na paglabag diumano sa health protocols.
Related Stories
Sinasabing 16-anyos na menor de edad at 18-anyos na boksingero ang lumahok sa clandestine na sapakan.
"Isa ito sa mga sinasabi nating [COVID-19] super spreader event eh. Napakabilis ng hawaan sa mga ganitong pagkukumpol-kumpol," wika ni Eleazar ngayong Martes.
PNP TASKS MPD TO STUDY POSSIBILITY OF RAPS VS MORE PERSONS FOR TONDO STREET BOXING EVENT
— Philippine National Police (@pnppio) May 18, 2021
Read more: https://t.co/yajComTPK5#PulisNgPilipino#WeServeAndProtecthttps://t.co/txtYyrzpsGhttps://t.co/Et8tu4J5hMhttps://t.co/5enzGQHK0ahttps://t.co/EyNPCuygbF
Photo courtesy: SCMP pic.twitter.com/WXZfisWQeY
Dagdag pa niya, dapat nang matukoy kung ano ang maaaring ikaso sa mga nanuod at lumahok sa mismong event lalo na't wala raw sa kanilang sumunod sa "COVID-19 pandemic guidelines" at "minimum health standards."
Kinukuha pa ng Philstar.com ang panig ni Manila Police District (MPD) spokesperson PLtCol. Roberto Mupas pagdating sa espisipikong kasong maaaring ihain sa mga nanuod ng bakbakan, ngunit hindi pa rin siya tumutugon magpahanggang sa ngayon.
Kasalukuyang nasa general community quarantine "with heightened restrictions" ang National Capital Region hanggang ika-31 ng Mayo kung nasaan ang Tondo, Maynila. "Non-contact sports sa labas" lang ang pinapayagan doon ngayon.
Ang boxing, na isang pampalakasang nakasentro sa suntukan, ay isang "contact sport."
Matatandang Abril 2020 lang din nang ilagay ni Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso sa 24-hour shutdown ang isang baranggay sa Parola, Tondo dahil din sa isang boxing match at pa-bingo habang may community quarantine.
'3 katao nakasuhan na'
Pinalakpakan din ni Eleazar ang Manila police matapos i-charge ang isang konsehal at dalawa pang katao kaugnay ng nasabing "iligal" na sagupaan sa gitna ng public health emergency.
"Bukod sa paglabag sa quarantine rules [ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases], sinampahan din sila ng reklamong illegal gambling at game fixing," patuloy ni Eleazar.
"Nakakadismaya nga lang na sa Tondo, mismong ung opisyal ng barangay na dapat ay magpakita ng magandang example ang siyang nanguna pa sa mga pasaway na nag-organize ng potensyal na super spreader event."
Wika pa ng bagong talagang PNP chief, hindi biro ang COVID-19 na maaari pang maipasa sa mga kapamilya kung ipagpapatuloy ang mga ganitong gawain.
Sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 1,154,388 ang nahahawaan ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa bilang na 'yan, 19,372 na ang patay. — may mga ulat mula kay Franco Luna at News5