MANILA, Philippines — Ipatutupad muli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang truck ban sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila makaraang muling ilagay ito sa general community quarantine (GCQ).
Uumpisahang ipatupad ang truck ban sa Mayo 17 kung saan iiral na muli ang GCQ hindi lang sa Metro Manila at sa lalawigan ng Rizal, Cavite, Laguna at Bulacan.
Sa umiiral na truck ban policy ng MMDA, bawal dumaan ang mga truck sa mga pangunahing kalsada mula alas-6 ng umaga hanggang alas-10 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi tuwing Lunes hanggang Sabado.
Nagpapatupad naman ng total truck ban ang ahensya sa EDSA mula Magallanes Interchange sa Makati City hanggang sa North Avenue sa Quezon City.
Hindi naman kasama sa truck ban policy ang mga may dalang ‘perishable at agricultural food products’.