Metro Manila mayors nagkasundo na sa inirekomendang quarantine status
MANILA, Philippines — May napagkasunduan na ang mga Metro Mayors na irerekomendang quarantine status sa NCR matapos ang Mayo 15, 2021.
Sinabi ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na kamakalawa ng gabi nang magpulong ang mga alkalde kasama ang mga kinatawan ng Department of Health (DOH) at National Economic Development Authority (NEDA) at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Natalakay sa pulong ang pagsaalang-alang sa lahat ng factors tulad ng hospitals capacity o kakayahan ng mga ospital, pagdating ng mga bakuna, pagbaba ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19, at kasalukuyang mga kondisyong pang-ekonomiya.
Gayunman, nagkaisa sila na huwag isapubliko ang mga napag-usapan at isumite na lang ito sa IATF.
Ayon kay Abalos, nasa kamay pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang basbas o kung ano ang paiiraling quarantine level sa National Capital region (NCR).
Tiniyak naman ng MMDA na ang desisyon at rekomendasyon na nabuo ay pinaka-pakikinabangan para sa kapakanan ng mga residente ng Metro Manila dahil binabalanse nito ang kaligtasan at kalusugan ng publiko sa lagay ng ekonomiya.
- Latest