MANILA, Philippines — Natagpuang patay ang isang seaman sa loob ng kanyang inookupang kuwarto sa isang quarantine hotel sa Paco, Maynila Miyerkules ng umaga.
Nakilala ang nasawi na si Marlonn Regalado, 41, tauhan ng Philippine Transmarine Carriers Inc. at residente ng Tanauan, Batangas.
Sa ulat ng Manila Police District, dumating sa Pilipinas si Regalado noong Abril 25 at sumailalim sa isolation sa quarantine hotel sa may Paco kasama ang mga kapwa seaman.
Lumabas naman ang resulta ng kaniyang RT-PCR swab test nitong Mayo 2 at nagnegatibo sa COVID-19. Kahit na negatibo, tuloy pa rin ang isolation ni Regalado bilang pagsunod sa protocols ng pamahalaan.
Hahatiran naman siya ng almusal ng room attendant ng hotel nitong Miyerkules ng umaga nang mapansin na bahagyang nakabukas ang pinto ng kuwarto. Dumiretso na siya sa loob at tinangkang gisingin si Regalado ngunit hindi ito tumutugon at napansin niya na hindi na humihinga kaya agad siyang humingi ng saklolo sa mga kasamahan.
Sa pagsusuri ng pulisya sa kuwarto, natagpuan ang isang nebulizer sa ibabaw ng kama ng biktima. Wala ring nakitang indikasyon ng foul play dahil sa maayos ang silid.
Dinala na ang labi ng biktima sa Cruz Funeral Homes para sa awtopsiya habang pinasasabihan na ang kaniyang mga kapamilya ukol sa naturang pangyayari.