MANILA, Philippines — Mananatiling sarado ang mga swimming pool at resorts sa lungsod ng Malabon habang pinaiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region hanggang May 14.
Ito ang binigyan diin ni Malabon City Mayor Antolin A. Oreta III kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa mga events establishments kung saan nagkakaroon ng mga pagtitipon at pagsasamasama na posibleng maging dahilan ng pagkakahawa hawa ng virus ng COVID-19
Ayon kay Oreta, tuwing summer maraming pamilya ang nagtipun-tipon at nagkakasiyahan. Aniya, kailangan nilang ipatupad ang pagbabawal sa pagbubukas ng mga nasabing negosyo upang hindi na tumaas pa ang hawaan ng sakit sa lungsod ng Malabon alinsunod na rin sa layunin ng Inter-Agency Task Force resolutions.
“It is a bit of a sacrifice for us all, but we still ban mass gatherings during any occasion while the virus infestation is still at its peak,” ani Oreta..
Dito na rin nasampolan ang private swimming pool sa Bgy. Maysilo na pinasara matapos na i-accomodate ang nasa 20 indibiduwal sa isang binyag batay sa kautusan ni Oreta sa Business Permits and Licensing Office, Philippine National Police at Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO).
Nabunyag din na walang business permit ang pool kay agad itong ipinasara sa pangunguna ni City Councilor Paulo Oreta na co-chairman ng Malabon City IATF-MEID. Binigyan naman ng violation tickets ang mga dumalo.