Convoy ng mga lalahok sa Labor Day rally, naharang
MANILA, Philippines — Hinarang ng mga tauhan ng Manila Police District ang convoy ng mga manggagawa na magsasagawa sana ng rali sa Liwasang Bonifacio kahapon kaalinsabay sa pagdiriwang sa Labor Day.
Dahil dito napilitang magsagawa ng pagtitipon sa Welcome Rotonda para sa aktibidad ng Labor Day .
Pinigil ang kanilang caravan sa checkpoint ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 4, sa checkpoint sa Sampaloc, Maynila, kahapon ng umaga.
Na-impound din ang mga arkiladong pampasaherong dyip habang ang mga driver ay dinala sa Sampaloc Police Station.
Bago mag-alas-8:00 ng umaga nang harangin ang convoy ng mga pampasaherong dyip sa panulukan ng España Boulevard at Blumentritt Street sa Sampaloc, Maynila, na nagresulta sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lugar.
Bukod sa mga manggagawang sakay ng convoy, may pila rin ng mga puting van ang naharang sa lugar.
May mga kargang slogan at poster ang mga sasakyan na gagamitin sa kilos protesta sa Liwasang Bonifacio.
Samantala, iba’t ibang Labor Union groups ang nakilahok sa 119th International Workers Day o Labor Day na naging mapayapa naman, ayon sa MPD.
Kabilang sa panawagan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ay nanawagan sa pamahalaan ng P100 daily wage subsidy para sa lahat ng manggagawa, P10,000 cash aid para sa mga nawalan ng trabaho o for displaced workers at vulnerable sectors; P15,000 production subsidy para sa mga magsasaka at wage subsidy naman para sa manggagawa nasa micro, small at medium enterprises sector.
- Latest