MANILA, Philippines — Hindi pa muna kinukunsidera nina Taguig City Mayor Lino Cayetano at Pasig City Mayor Vico Sotto ang paggamit ng mga pasyente ng COVID-19 sa kontrobersyal na antiparasitic drug na Ivermectin.
Sa halip, kapwa sinabi ng dalawa na magtiwala ang publiko sa anumang panuntunan na inilalabas ng mga medical experts ukol sa kung ano ang makagagamot sa COVID-19 at hindi sa mga “conspiracy theories” o sabi-sabi lang.
Sinabi ni Cayetano na patuloy silang naghihintay ng panuntunan na ilalabas ng Department of Health (DOH) at ng Food and Drug Administration (FDA) kung tama nga bang gamitin ang natu-rang gamot.
“We listen to the me-dical experts. ‘Pag dumating po ang panahon na inaprubahan po ‘yan ng FDA, inaprubahan ng DOH… by all means, we will not just support it, we will advocate it, we will buy it,” ayon kay Cayetano.
Iginiit naman ni Sotto na bagama’t may konting nagsasabi ng positibo sa gamot o maliit na ‘scientific basis’, hindi umano sapat ang mga iyon para sabihin na ok ang Ivermectin kontra COVID-19.
“Hindi tayo mga doktor, hindi tayo medical expert. Makinig tayo sa kanila,” paalala ni Sotto.
Kahapon, muling nagpalabas ng pahayag ang FDA na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng Ivermectin dahil sa kakulangan ng mga ebidensya na totoong nakagagamot ito ng COVID-19.