MANILA, Philippines — Timbog ang tatlo katao kabilang ang isang babae nang masabat sa kanila ang nasa P680,000 halaga ng shabu sa ikinasang anti-drug operations sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang mga nadakip na sina Marcelo Ofiana, alyas Atong, miyembro ng Commando Gang, 54, ng Yakal Street, Tondo; Sittie Naimah Dimaopong, 28, ng Norzagaray St., Quiapo at Gerardo Morandarte, 40, ng Benny St., Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ng Sta. Cruz Police Station 3, dakong alas-8:30 ng gabi nang ikasa ng mga tauhan ng kanilang Drug Enforcement Unit ang buy-bust operation sa may kanto ng Ipil at Quiricada Sts. sa Brgy. 327 Sta. Cruz at target ang hinihinalang tulak na si Ofiana.
Isang pulis ang nagpanggap na buyer at matagumpay na nakapagtransaksyon sa mga suspek. Nang magbigay ng senyales ang buyer, dito na sumulpot ang mga nakasibilyang pulis at pinalibutan ang mga suspek na hindi na nagawang makatakbo.
Nakumpiska sa mga suspek ang anim na plastic sachet na may 100 gramo ng shabu o katumbas na P680,000 habang narekober ang P500 marked money na ginamit sa buy-bust bilang ebidensya.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Manila City Prosecutor’s Office.