2 todas sa sunog sa Caloocan

MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi habang umaabot naman sa 30 pamilya ang nawalan ng tahanan makaraang lamunin ng apoy ang kanilang mga bahay sa naganap na sunog sa Caloocan City nitong Biyernes ng gabi.

Natagpuan ang sunog na katawan ng biktimang si Ronald Camacho, 44, sa loob ng  tatlong palapag nitong tahanan na matatagpuan sa #18214 2nd St. 3rd Avenue, Brgy. 118 ng lungsod.

Samantalang ang isa pang biktima na kinilala namang si Adonis Ventorozo, 38, ay nasawi makaraang atakehin sa puso sa kasagsagan ng sunog. Si Ventorozo ay nagawa pang maisugod sa pagamutan pero dead-on-arrival ito.

Base sa report ni arson investigator FO1 Mark Anthony Sibulboro kay Caloocan City Fire Marshal Supt. Aristotle Banaga, ang sunog ay sumiklab bansang alas-6:30 ng gabi.

Ang sunog ay nagsimula sa tahanan ni Camacho na agad na itinaas sa ikalawang alarma makalipas ang 20 minuto. Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay na pawang gawa sa mahihinang uri ng materyales.

Mahigit 20 kabahayan na tinitirhan ng nasa 30 pamilya ang natupok. Naapula ang apoy bandang 9:50 ng gabi.

Ipinag-utos naman ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan sa City Social Welfare and Deve­lopment ang pamamahagi ng mga relief goods sa mga pamilya na pansamantalang nanuluyan sa covered court ng Brgy. 118. 

Show comments