Radio broadcaster ikinalaboso sa natanggal na face mask
MANILA, Philippines — Inaresto at ikinulong ng mga tauhan ng Manila Police District Station 10 ang isang radio reporter/broadcaster ng state-owned Radyo Pilipinas makaraang matanggal ang suot na face mask habang sinisita sa checkpoint ng isang bagitong pulis.
Nabatid na hinuli kamakailan si Lorenz Tanjoco, nasa hustong gulang, nagsisilbing auditor ng Manila City Hall Press Club (MCHPC), nitong Sabado ng gabi sa isang checkpoint ng mga tauhan ng Beata Police Community Precinct ng MPD Station 10.
Sakay ng kaniyang motorsiklo, natanggal ang suot na face mask ni Tanjoco dahil sa helmet at hindi na nagawang isuot dahil sa umaandar. Pagsapit sa checkpoint, sinita siya ng mga pulis kung saan nangatwiran siya na natanggal lamang sa pagkakakabit.
Nagpakilala rin si Tanjoco na miyembro ng media at isang APOR (authorized person outside of residence) ngunit hindi ito kinilala ng pulis. Dito siya inaresto at pinosasan kung saan mula sa simpleng bayolasyon sa face mask ay itinaas ang kaso sa Disobedience on Person of Authority.
Nakulong ng magdamag sa Beata PCP detention center si Tanjoco at pinalaya rin kinabukasan ng walang pormal na kasong isinasampa laban sa kaniya.
Kinondena naman ng MCHPC ang naganap na “harassment” kay Tanjoco at naniniwala ang samahan na hindi kukunsintihin ng pamunuan ng MPD, sa pamumuno ni District Director P/BGen. Leo Francisco ang insidente, at umaasang paiimbestigahan ng opisyal ang insidente.
Sa panig ni Tanjoco, nakipag-ugnayan na siya kay Presidential Task Force on Media Security Executive Director Joel Egco para sa aksyong-legal sa mga nanghuli sa kaniya.
- Latest