MANILA, Philippines — Masayang ibinalita ni dating Senador Jinggoy Estrada na negatibo na mula sa COVID-19 ang kanyang amang si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada.
Sinabi ni Jinggoy na patuloy na humuhusay ang kalagayan ng kanyang ama.
Inaasahan aniya nilang sa mga susunod na araw ay maililipat na ito sa isang regular na silid.
Sa ngayon naman aniya ay nananatili sa intensive care unit (ICU) at nasa high flow oxygen support pa rin ang ama ngunit sa ‘much reduced rate’ na.
Pinayagan na rin aniya itong magpatuloy ng soft diet.
“Mentally, he is oriented, conversing normally and appears to be in good spirits,” aniya pa.
Matatandaang Marso 29 nang ianunsiyo ni Jinggoy na positibo ang ama sa COVID-19.
Kinailangan itong ilagay sa ICU at malaunan ay sa mechanical ventilation nang lumala ang kanyang pneumonia.
Kaagad din naman siyang ini-extubate nang mag-stabilize na ang kanyang kondisyon.