Higit 100 siklista sa Maynila sinita

Sinabi ng MPD na hindi raw mga autho­rized persons outside residence (APOR) ang mga siklista.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Mahigit 100 siklista ang sinita ng Manila Police District (MPD) nitong Linggo ng Pagkabuhay habang ipinaiiral ang enhanced community qua­rantine (ECQ) sa NCR Plus.

Sinabi ng MPD na hindi raw mga autho­rized persons outside residence (APOR) ang mga siklista.

May isang siklista na nagsabing bibili lamang siya ng gamot. Ang iba naman ay mag-e-ehersisyo.

Ayon sa MPD, puwedeng mag-exercise habang may ECQ ngunit sa harap lang ng bahay o sa loob ng kani-kanilang barangay.

Pinauwi rin ang mga siklista matapos pagsabihan.

Ayon sa Malacañang, essential activity ang pag-eehersisyo ngunit ito ay dapat gawin sa sariling barangay lamang.

Ang ECQ sa NCR Plus na dapat ay isang linggo lamang at magtatapos sana nitong Linggo ng Pagkabuhay ay in-extend ng pamahalaan ng isa pang linggo o hanggang Abril 11.

Ito ay dahil sa patuloy na pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR Plus (Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna).

Sa ilalim ng ECQ, mas limitado ang movement ng publiko upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19. Tanging mga APOR lamang at mga may emergency ang papayagang lumabas ng kanilang mga bahay.

Show comments