Libreng sakay ng DOTr, tuluy-tuloy

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na magtutuluy-tuloy ang mga ipinagkakaloob nilang libreng sakay upang matulungan sa pagbiyahe ang mga essential workers/travelers o ‘yung tinaguriang mga Authorized Persons Outside of their Residence (APOR), ngayong nasa ilalim pa rin ng enhanced community quarantine (ECQ) ang NCR Plus, na kinabibilangan ng National Capital Region, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, 44 na ruta ng Mo­dern Public Utility Jeepney (MPUJ) ang inihanda nila, katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang makapagbigay ng libreng sakay sa ilalim ng Service Contracting Program habang ipinatutupad ang ECQ sa NCR Plus.

Aniya, magiging operational ang mga ruta ng libreng sakay para sa mga APOR simula alas- 4 ng umaga hanggang alas- 10 ng gabi .

Malalaman aniya na ang modern jeepney ay nagbibigay ng libreng sakay kung makikitang may karatula sa harapang bahagi nito na may nakasaad na “LIBRENG SAKAY PARA SA MGA AUTHORIZED PERSONS OUTSIDE RESIDENCE”.

“Upang ma-avail ang libreng sakay, magpakita lamang ng I.D. bilang patunay na ikaw ay isang APOR. Bisitahin ang link na ito upang malaman kung ikaw ay kabilang sa mga APOR:http://bit.ly/TalaNgMgaAPOR,” anang DOTr, sa isang paabiso.

Maliban dito, tuluy-tuloy pa rin ang implementasyon ng Free Ride for Health Workers and Medical Frontliners Program ng DOTr sa Greater Metro Manila, at sa buong bansa.

Show comments