MANILA, Philippines — Dahil sa ipatutupad na Enhanced Community Quarantine sa tinatawag na NCR Plus, nag-anunsyo ang mga mall operator ng kanilang bagong operating hours.
Nag-abiso na ang malalaking mall chain na dahil sa curfew na magsisimula tuwing alas-6 ng gabi, mas maaga na silang magsasara simula ngayong Lunes, March 29, hanggang Linggo, April 4.
Ayon sa SM Supermalls, lahat ng malls nila sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ay bukas, pero mula 10 a.m. hanggang 5 p.m.lang. Mga essential stores lang ang bukas gaya ng grocery, pharmacy, hardware at banko. Ang mga restaurant naman ay para lang sa takeout o delivery.
Ang Robinsons Malls ay 5 p.m. din magsasara, pero ang supermarket ay bukas 7am-6pm.
Kapareho rin ito ng operating hours ng Fisher Mall.
Ang Vista Mall naman ay hanggang alas-5 lang din ng hapon, pati ang supermarket nila.
Limited operations lang din ang Megaworld Lifestyle Malls gaya ng Newport, Eastwood, Uptown Bonifacio at iba pa.
Ang Ayala Malls, wala pang anunsyo sa eksaktong operating hours. Pero sinabi na rin nilang sarado ang mga establisimiyento, maliban sa essential shops gaya ng supermarket at pharmacy.
Libre naman ang parking sa Ayala, SM, Robinsons at Fisher Mall.
Marami sa mga malls ay sarado sa April 1 at 2, Huwebes at Biyernes Santo.