MANILA, Philippines — Para makontrol ang galaw ng tao sa bawat barangay, muling paiiralin ang quarantine pass para sa mga residente ng lungsod habang nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang National Capital Region at katabing mga lalawigan o NCR plus bubble.
Inatasan ni Manila Mayor Isko Moreno ang Manila Barangay Bureau (MBB) na mag-isyu ng quarantine pass para gamitin ng may mga pangangailangang lumabas ng bahay simula Marso 29 hanggang Abril 4.
Sa memorandum ni MBB director Romeo Bagay, lahat ng barangay chairman sa lungsod ng Maynila ay inatasan na mag-isyu ng isang quarantine pass kada isang pamilya. Magiging ‘Odd-Even Coded’ ang format ng quarantine pass para sa schedule ng paglabas.
Ang odd numbers (1-3-5-7-9) ay makakalabas ng Lunes, Miyerkoles at Biyernes mula 5am-6pm at kapag Linggo ay maaaring lumabas ng mula 5am ng madaling araw hanggang 11am.
Samantala, ang mga even numbers (2-4-6-8-0) ay makakalabas ng Martes, Huwebes at Sabado mula 5am-6pm at kapag Linggo ay mula 12noon hanggang 6pm.
Pinapayagan naman na makalabas ng bahay ang mga essential workers at iba pang empleyado ng pamahalaan batay sa guidelines na inilabas ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Samantala, inianunsiyo ni Moreno na nakapagtala ng 837 bagong mga kaso ng COVID-19 hanggang nitong Sabado.
Marami umano sa mga nagpositibo ay may na-detect na bagong variants.