Mga ospital sa Metro Manila, nagpasaklolo na!
Hindi time-out ang kailangan, kundi reinforcement
MANILA, Philippines — Hindi ‘time-out’ ang hiling ng isang grupo ng mga ospital sa Metro Manila kundi saklolo mula sa pamahalaan para madagdagan ang kanilang kapabilidad sa pagresponde sa patuloy na tumataas na kaso ng COVID-19.
Inamin ni Jaime Almora, pangulo ng Philippine Hospital Association, na ilang malalaking ospital sa Metro Manila ay nasa kritikal na lebel na dahil sa higit sa 70% na ng kanilang COVID-19 beds ang ginagamit.
“Hindi ho time-out ang solusyon po, reinforcement po. We are requesting na reinforcement sana manggaling sa agencies na health-related po,” ayon kay Almora.
Sinabi niya na pagod na ngayon ang mga nurses na kulang na kulang sa bilang dahil sa marami na ang nagkasakit din ng COVID-19.
“Ang reinforcement manggagaling sa ibang agency, military at saka pulis kasi karamihan sa mga nurses namin nasa kanila na kasi malaki ang suweldo doon,” paliwanag pa ni Almora.
Sinabi rin niya na hindi pa natatanggap ng mga healthworkers ang mga benepisyo na ipinangako ng pamahalaan. Maging mga health workers na nagpositibo ay nahihirapan na kunin umano ang mga benepisyo dahil sa napakaraming requirements na hinahanap ang gobyerno.
Samantala, inihayag din kahapon ni Dr. Jonas Del Rosario, tagapagsalita ng PGH, na nasa 80% na ng kanilang COVID-19 beds ang okupado na. Nasa 23 na lamang sa 200 COVID-19 beds ang bakante sa ngayon at inaasahang maukupahan na rin sa mga susunod na araw dahil nasa pito hanggang 10 COVID-19 patients ang kanilang tinatanggap kada araw.
Hindi naman agad napapauwi ang mga pasyenteng gumaling na dahil sa kailangan pa nilang manatili sa loob ng 14 na araw kaya natatagalan ang pagpapalit ng mga higaan. Mas matagal ito kung “severe o critical” ang kaso ng pasyente.
Plano ng PGH na magdagdag pa ng isa pang COVID-19 ward na may 30 higaan para mapataas ang kanilang kapabilidad.
Sa Marikina, puno na ang 70 COVID-19 beds ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center habang walo pa ang naghihintay na ma-admit sila at 18 ang naghihintay ng kanilang test results.
Puno na rin ang 109 COVID-19 beds ng St. Luke’s Medical Center-Bonifacio Global City sa Taguig habang ganito na rin ang sitwasyon sa SLMC-Quezon City.
- Latest