MANILA, Philippines — Umabot sa 1,449 violators ang nadakip ng PNP Joint Task Force COVID-19 Shield sa unang araw ng pagpapatupad sa unified curfew sa Metro Manila.
Gayunman, tiniyak ni PNP Deputy Chief for Operations at JTF COVID-19 Shield Commander, Lt. Gen. Cesar Hawthorne Binag na matagumpay ang unang araw ng pagpapatupad ng PNP ng curfew.
Pinakamarami sa mga pinigil sa mga holding area ay sa Maynila na 1,139, ang nalalabi naman ay sa ibang lungsod.
Tiniyak noong Lunes ni PNP Officer-In-Charge, PLt. Gen. Guillermo Eleazar na magiging istrikto ang mga pulis sa pagpapatupad ng curfew sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Batay na rin sa gabay ni PNP Chief, Gen. Debold Sinas, ang halos 10,000 pulis na pinakalat sa Metro Manila para ipatupad ang curfew na i-observe ang maximum tolerance, at igalang ang karapatan ng mga mamayan.
Kasabay nito nanawagan naman si Eleazar sa publiko na respetuhin din ang mga pulis at sumunod sa mga alituntunin ng pamahalaan.