QUEZON CITY, Philippines — Simula ngayong Lunes ay mahigpit na ipatutupad ang Public Safety Hours sa Quezon City alinsunod sa napagkasunduan na unified curfew hours ng Metro Manila Council (MMC).
Ang naturang Public Safety Hours, na mula 10:00PM hanggang 5:00AM, ay epektibo ngayong Marso 15-31.
Mahigpit ding ipatutupad sa lungsod ang alternative work schedule at liquor ban gayundin sa pagsasara ng mga dine-in, sari-sari stores, market, talipapa, at vending sites mula 10PM-5AM.
Sarado rin naman ang gyms, spa, at internet cafes, sa loob ng dalawang linggo.
“The drastic increase of cases is very alarming. We want to stop the transmission as early as now so that we no longer have to implement another nationwide lockdown,” ayon kay QC Mayor Joy Belmonte.
Hinihikayat naman ng lokal na pamahalaan ang mga negosyo na gamitin ang KyusiPass para sa maayos na contact tracing ng lungsod.
Pinayuhan din ang mga barangays na muling mag-isyu ng quarantine passes sa mga residenteng nasasakupan upang malimitahan ang mga pagpasok at paglabas sa kani-kanilang mga lugar.
Samantala, ang mga balik-bayan namang Overseas Filipinos (OFs) ay kinakailangang makakumpleto ng mandatory quarantine period sa loob ng 14 days kahit pa walang RT-PCR test result.
Matatandaang nagkasundo ang metro mayors na pahabain muli ang curfew hours sa kani-kanilang nasasakupan upang mapigilan ang pagdami ng naitatalang kaso ng COVID-19.