MANILA, Philippines — Ipatutupad na muli ng pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang color coding sa quarantine pass sa mga palengke at supermarket.
Nakasaad sa Executive order 010-2021 na nilagdaan ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na may tatlong quarantine pass ang ibibigay sa bawat indibiduwal upang makakilos, makapagtrabaho at makabili ng kanilang pangangailangan.
Ang implementasyon ng Color-Coded Quarantine Pass System ay bunsod ng naitalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan umakyat na sa 371 ang mga aktibong kaso. Noong Nobyembre ay nasa 80 na lamang ang active cases sa Caloocan.
Isang quarantine pass lamang muli para sa isang household. Kung nawala ang ibinigay na quarantine pass noon, maaaring magtungo sa inyong mga barangay para muling makakuha, kung saan titiyakin nila na hindi madodoble ang quarantine pass kada household.
Ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) at mga nagtatrabaho ay kinakailangan lamang ipakita ang kanilang company ID kung magtutungo sa palengke at supermarket.
Binigyan-linaw din na sa ibang establisimiento ay hindi naman kailangan ng quarantine pass, subalit kailangang mahigpit na ipatupad ang kapasidad na itinakda ng IATF at siguraduhing nasusunod ang health and safety protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield at physical distancing.