MANILA, Philippines — Dahil sa hindi maikakailang pagtaas ng bilang ng road accident, inirekomenda ni Benson So, Vice President ng Vehicle Inspection Center Owners Association of the Philippines (VICOAP) sa motorista ang regular na inspection sa kanilang mga sasakyan.
Sa pagbubukas ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) sa Valenzuela City, sinabi ni So na katuwang sila ng Land Transportation Office (LTO) upang mapabilis ang inspection sa mga sasakyan kung saan tatagal lamang ng 40 minuto.
Ayon kay So, daraan sa Stage 1, Visual Inspection ang sasakyan at susundan ng Stage 2 Machine Tests para sa alignment, suspension, brake at speedometer habang ang Stage 3 Machine Tests ay para naman sa Sound Level at Headlight.
Dagdag pa ni So, tanggap nila ang pagkalugi dahil naabutan ng pandemya at nagkaroon ng pagkaantala sa operasyon ng PMVIC. Aniya, nagbaba na rin silang presyo sa halagang P 600 sa mga motor vehicle habang P500 sa motorsiklo.
Nilinaw din ni So na hindi naman nila hinihikayat na magtungo pa sa PMVIC Valenzuela ang lahat ng mga may sasakyan para magpa inspection. Aniya may kani -kanyang lugar ang PMVIC na maaaring puntahan na tinatawag na Geographical Area Of Responsibility (GAOR).
Tiniyak ni So na prayoridad nila ang buhay ng bawat motorista. Aniya tulong ang kanilang ginagawa at hindi corruption.