MANILA, Philippines — Binigyan na ng ‘go-signal’ ni Manila City Mayor Isko Moreno na magsagawa na ng face-to-face classes at clerkship programs ang apat na medical schools sa siyudad.
Kabilang sa mga pamantasang inaprubahan ay ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Medicine, Metropolitan Medical Center College of Arts and Sciences, Chinese General Hospital Colleges, at Manila Theological College - College of Medicine.
“What is the goal here? To produce doctors, nurses, midwives and all others allowed ng CHED to conduct face-to-face classes,” ayon kay Moreno sa kaniyang pulong kaharap ang mga opisyal ng naturang mga unibersidad.
Aniya, kung makaka-prodyus ng naturang mga medical professional sa susunod na taon ay mas mapalalakas ang healthcare system ng lungsod sa gitna ng pandemya.
Hiniling ni PLM University President Emmanuel Leyco ang unti-unting pagbubukas ng kanilang “clinical clerkship program” sa Ospital ng Maynila.
Si Metropolitan Medical Center College of Arts and Sciences Executive Vice President Remedior Habacon naman ay ipinakiusap ang unti-unti ring pagbubukas ng face-to-face classes at clinical clerkship sa ilalim ng Doctor of Medicine program.
Ipinakiusap naman ng Manila Theological College - College of Medicine na payagan ang kanilang 4th year medical students na makadalo sa limitadong “in-hospital duty” sa Tondo Medical Center habang ang Chinese General Hospital Colleges ay hiniling na magbalik ang kanilang “hands-on pre-clinical training and clinical rotation” sa kanilang campus laboratory at ospital.
Nag-alok din si Moreno ng libreng COVID-19 testing sa kanilang mga estudyante at propesor para sa kapanatagan ng lahat.