Plastic bag bawal na uli sa Quezon City, simula ngayon
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagtungo sa ilang pamilihan sa lungsod upang mamahagi ng mga reusable bayong at mga ecobags sa mga residenteng namamalengke, upang isulong ang kanilang kampanya hinggil sa plastic waste reduction.
Nabatid na ang naturang aktibidad ay nagsilbing kick-off event para sa re-implementation ng lungsod sa ‘Plastic Bag Ban Ordinance’ na sisimulan ngayong araw, Marso 1, 2021.
Nakasaad sa ordinansa ang mahigpit na pagbabawal sa distribusyon ng plastic bags bilang carry-out bags sa retail establishments sa buong lungsod.
Pansamantalang itinigil ang implementasyon nito nang pumutok ang pandemya ng COVID-19.
Ang aktibidad ay bahagi rin umano ng pagdiriwang ng lungsod ng Women’s Month ngayong Marso, na nagha-highlight sa papel ng mga babae sa pagprotekta sa kalikasan.
Sa ilalim ng ‘Kababaihan Para sa Kalikasan’ movement na may temang “Babae: Tayo ang Pagbabago,” ang mga babae ay hinihikayat na maging mas pro-active at maging mga catalysts ng pagbabago dahil na rin sa kanilang mahalagang papel sa mga tahanan at komunidad.
Nabatid na ang mga supermarkets, malls, shopping centers, fastfood restaurants at iba pang mga negosyong lalabag sa ban ay papatawan ng multang P1,000 para sa unang paglabag, multang P3,000 at pagbawi ng environmental clearance para sa ikalawang paglabag at pagbawi ng business permit at P5,000 multa naman para sa ikatlong paglabag.
- Latest