MANILA, Philippines — Maaari nang makapag-renew at makabiyahe sa Pilipinas ang mga dayuhan na may expired reentry permits, ayon sa Bureau of Immigration kahapon.
Sa memorandum na inilabas ni Immigration Commissioner Jaime Morente, ipatutupad ang bagong panuntunan sa mga dayuhan na naisyuhan na ng ‘immigrant at non-immigrant visas’ at nais bumalik ng Pilipinas makaraang ma-stranded sa ibang bansa dulot ng pandemya.
Unang iniutos ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa BI na payagan nang makapasok ng bansa ang mga dayuhan na may expired reentry permits (RPs) at special return certificates (srcs) paglapag ng Pilipinas sa halip na pabalikin sila sa pinanggalingang bansa.
Ang RP ay iniisyu sa mga may hawak na immigrant visa at isa nang permanenteng residente sa Pilipinas habang ang src ay ibinibigay sa mga ‘non-immigrant’ na may hawak na working visa o kaya ay student visa.
Babayaran ang ‘reentry permits’ paglapag sa paliparan sa Plipinas at dapat agad na ipakita sa immigration officer. Balido ito mula anim na buwan hanggang isang taon mula sa petsa na umalis ang dayuhan sa Pilipinas.