MANILA, Philippines — Patay ang isang 14-anyos na binatilyo nang barilin sa ulo ng kalabang grupo, nang sumiklab ang gulo sa Mel Lopez Boulevard, malapit sa panulukan ng Moriones St., Tondo, Maynila, madaling araw ng Huwebes.
Ilang oras na inobserbahan habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Ariel Manalo, residente ng C.P. Garcia St., Tondo subalit binawian din ng buhay dakong alas-12:36 ng hapon.
Nadakip naman ang mga suspek na kinilalang sina Frankielyn Rabino, alyas Iking, 20, at Tyron Juls Mejos,17.
Sa ulat ni P/Staff Master Sergeant Jorlan Taluban, naganap ang madugong gang war dakong alas-5:00 ng madaling araw.
Sa imbestigasyon, bago ang madugong insidente, naglalakad ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan sa may Mel Lopez Blvd. nang pagbabatuhin sila ng mga bote ng softdrinks ng grupo ng mga suspek. Gumanti naman ng bato ang grupo ng biktima hanggang sa mag-alisan na ang mga suspect.
Dakong alas- 5:00 ng madaling araw nang muling sumiklab ang away nang ang grupo ng biktima ay nakaupo sa panulukan ng Sto. Nino at Moriones Sts., at biglang sumulpot ang grupo ng mga suspek na papalapit sa kanila. Nagkaniya-kaniyang takbuhan umano ang grupo ng biktima subalit hinabol ang nasawi ni Rabino na nang makorner ay binaril ito sa kaliwang tagiliran ng ulo bago nagsitakas kasama ang mga ka-grupo.
Isinugod sa nasabing pagamutan ang biktima ng kaniyang mga kaanak subalit bigo itong maisalba ng mga doktor.
Kahapon ay pormal nang nagsumite ng complaint affidavit ang ama ng nasawi na si Arnold Arota kasama ang testigong si John Lloyd Delos Santos kasama ang mga testigo sa krimen na kumilala sa mga nadakip.